Sunday, March 15, 2009

nakpil, malate

Matagal na rin akong naninirahan sa kalsadang ito pero ngayon ko lamang nakikita ang totoong kulay nito. Masasabi ko na hindi lamang ito basta-bastang kalsada na napapamudmuran ng kabila't kanang mga tirahan, dormitoryo, at establisamiyento, kundi isa itong kakaibang kultura at karanasan na talaga namang buhay na buhay pagsapit ng dilim.

Ngayong linggo, dalawang beses na akong nakapunta sa puso ng Nakpil kasama ang aking kaibigan. Mula sa isang mahabang gabi ng pag-aaral sa mga kapihan, naisipan naming dumaan sa nasabing lugar sa hindi ko malamang kadahilanan. Sa bukana pa lamang ay makikita na ang mga kainan katabi ng kalsada - maraming tao, maingay. Naglakad pa kami at binulaga naman kami ng kabi-kabilang mga bars - mas maraming tao, mas maingay, mas mailaw. Ganito kilala ang Nakpil, Malate - kabi-kabilang bars, disco, at kainan na buhay na buhay tuwing gabi, ika nga, sikat ito sa night life.

Kanina lamang, dumaan kami ng aking kaibigan sa nasabing lugar at talaga namang napakaraming tao, at karamihan ay kalalakihan. Pero napatanong kami sa isa't isa - lalaki nga ba? Hindi naman sa nanghuhusga ako ngunit sa aking palagay, halos lahat sa populasyon na naroon ay mga bakla, bading, homosexual, o kung ano mang gusto mong itawag sa kanila. Sabi ng kaibigan ko, sikat daw ang Nakpil sa mga gay bar nito. Kung base rin naman sa libro na aking nabasa (na isa rin sa aking mga paborito), ang Orosa-Nakpil, Malate ni Louie Mar Gangcuangco, kung saan ang ang pangunahing lokasyon ng storya ay sa nasabing lugar, mukhang naglipana nga ang mga gay bar doon.

Kahit gaano man kagwapo ang mga lalaki na nakakasalubong at nakikita ko kanina, napapaisip rin ako kung tunay na lalaki nga ba talaga sila o sadyang pusong babae rin tulad ko. Minsan, nakakatuwang isipin na kung sino pa ang lalaki, siya pa ang nagkakaroon ng boyfriend, talo pa kaming mga babae na napakatagal nang naghihintay para sa inaasam-asam na pagmamahal.

Mukhang ganito na talaga ang buhay mula ngayon. Buti pa ang mga bakla, may mga gwapong boyfriend. Ako, heto, nababagot na sa kahihintay. Hay, buhay nga naman, minsan nakakainis, minsan nagpapatawa.

Monday, December 29, 2008

bagong taon na naman!

Ilang araw na ako dito sa probinsiya upang magbakasyon at ipagdiwang ang Pasko at Bagong Taon. Masasabi kong napakasimple talaga ng buhay dito kumpara sa buhay ng mga taong taga-siyudad. Sa siyudad, maraming napakalapit na mga mall, maraming kainan, may internet kahit saan, at mas maraming channel sa cable TV.

Dito sa probinsiya, kailangan ko pang maglakad nang malayo para mag-internet, nakakapagod na, magbabayad pa ako. Dito sa probinsiya, ang layo ng mga mall, kailangan ko pang mag-dyip at mag-tricycle, eh ang liit din naman ng mga mall, walang magawa, walang mapagpilian. Dito sa probinsiya, ang kaunti ng channel sa cable TV, nakakasawang manood ng telebisyon, paulit-ulit lang. Pero dito sa probinsiya masarap magbakasyon dahil kahit maaraw ay malamig ang mga umaga't gabi, masarap ang simoy ng hangin, wala masyadong ingay at polusyon, at napakaganda pa ng mga tanawin, ilang lakad lang ako mula sa mga palayan at dagat.

Pero kahit napakasarap magbakasyon dito sa probinsiya, hindi pa rin ako masaya. Hindi na kasi ako sanay sa ganitong klase nang buhay na wala masyadong ginagawa, nakakatamad. Wala akong magawa kundi matulog, kumain, manuod ng telebisyon, paulit-ulit, nakakainis. Kahit nga noong Pasko, pagkatapos naming magsimba, natulog lang ako. Hay, buhay.

Kagabi lang, nanood ako ng balita. Isa sa mga balita ay nagsaad ng isang survey. Ayon sa SWS, 92% ng mga Pilipino (mula sa 1,500 respondents) ang naniniwala na may pag-asang dala ang bagong taon. Kung tutuusin, lagi namang may pag-asang dala ang bagong taon. Naniniwala ako sa kasabihang "habang may buhay, may pag-asa". Hindi ko alam kung sa akin lang ito nangyayari pero, bawat paglipat-taon (iyong oras ng medya noche at putukan) lagi na lang akong may nararamdamang kakaibang enerhiya na dumadaloy sa aking katawan na para akong nasa ulap, napapangiti na lang ako bigla. Alam ko ang corny pakinggan pero totoo iyon. Para sa akin, yung nararamdaman kong iyon ay yung pag-asa, pag-asa sa bagong taon.

Isa pang balita ay iyong tungkol sa mga taong naputukan. Lampas na sa isang daan ang mga naputukan, mayroon na ring nabiktima ng mga ligaw na bala, at mayroon na ring nabiktima ng watusi poisoning. Lampas isang daan na ang mga biktima at wala pang bagong taon, ang mga biktima pa ay karaniwang mga batang sampung taon pababa. Nakakainis, nakakaawa. Taon-taon lagi na lang ganito ang nangyayari, ang tigas talaga nang ulo natin, parang hindi na tayo natuto. Naisip ko tuloy na pagkatapos mamasko ng mga bata, ipambibili nila ng mga paputok ang mga pera nila, nagiging mas malaki tuloy ang posibilidad na maging biktima sila nang nasabing paputok. Aaminin ko na ako ang taong hindi mahilig sa paputok, tuwing bagong taon, natutuwa na akong may pailaw o kaya fireworks display, kapag may nagpapaputok, pumapasok ako sa loob ng bahay, ayoko din kasi ng amoy ng pulbura. Tuwing paglipat-taon din, nakatutok ako sa balita. Oo, pinapanood ko iyong mga balita sa mga ospital at mga naputukan. Napapanood ko ang mga bata at matatanda na duguan, umiiyak, ginagamot, at pinuputulan ng mga daliri. Naging dahilan ko ito upang hindi magpaputok. Ayokong mawalan ng isa o dalawang daliri para sa panandaliang saya na dulot ng paputok. Hindi ko alam kung may kakulangan ba ang mga magulang na pagsabihan ang mga anak nila na huwag magpaputok, o sadyang matigas lang talaga ang ulo ng kabataan ngayon, pero sana, huwag nang madagdagan ang mga biktima. Masayang magsimula ng bagong taon na kumpleto ang ating mga daliri at walang iyakan.

Isa pang balita na malamang ay paborito ng mga Pinoy ay yung mga swerte at malas sa taong darating. Sabi ng mga Tsino, Year of the Earth Ox raw ang 2009. Ang ox daw ay sumisentro sa paggawa at pagtatrabaho. Sana ngayong taon, umayos na ang ekonomiya ng Pilipinas at magbago na rin ang mga kurakot na pulitiko (sana ipamigay na lang nila ang kinurakot nilang pera sa mga mahirap para lahat ay masaya). Sinabi rin ang mga taong swerte at malas ngayong taon. Swerte daw ang mga taong ipinanganak ng Year of the Horse at Year of the Rat, at malas daw ang mga taong ipinanganak ng Year of the Sheep. ANAK NG TUPA, EH YEAR OF THE SHEEP AKO, NAKAKAINIS! Nalulungkot pa rin ako hanggang ngayon, malas ako sa susunod na taon. Pero, sabi nga ng simbahan, walang malas o swerte sa mata ng Diyos. Natuwa ako ng kaunti, pero nalungkot ulit, iniisip ko kasi ang mga posibilidad kung paano ako mamalasin. Pero, kahit ano man ang sabihin ng Feng Shui na iyan, sa Diyos ako maniniwala, alam kong hindi niya ako papabayaan, at alam ko na kahit anumang pagsubok ang ibigay niya ay kaya kong lampasan!

Sana sa bagong taon, magkaroon tayo ng pag-asa, pag-asa sa ating sarili, sa ating bansa, at sa buong mundo, at maniwala tayo sa Diyos dahil kahit malas man tayo o swerte sabi ng Feng Shui, maniwala tayo na lagi Siyang nasa tabi natin, ginagabayan tayo bawat araw ng habangbuhay.

MASAYA AT MAPAYAPANG BAGONG TAON SA INYONG LAHAT!
(TANDAAN: HUWAG MAGPAPUTOK!)

Friday, December 19, 2008

ang saya saya, diba?

Noong nakaraang araw ko pa gustong mag-blog ngunit napakaraming nangyari at dahil sa pagod, nakalimutan ko na rin ang aking gagawin. Hahaha!

Noong Disyembre 13, 2008 ay nagkaroon ng konsiyerto ang UP Manila Chorale sa PhilAm Life Auditorium. Alas siyete ng gabi ang konsiyerto, dumating ako sa Maynila ng alas sais y medya, sa takot na masaraduhan ako ng pinto ay nag-taksi ako. Nakakainis, napakalapit lang pala ng nasabing lugar sa aking dormitoryo, napagastos pa ako ng mas mahal. Hay.

Mga komposisyon ni G.F. Handel at mga Filipino Christmas Songs ang kanilang mga inawit sa saliw ng grand piano. Maganda naman ang konsiyerto at para sa akin, nakakakalma talaga ang pagsasama-sama ng boses ng chorale (kaya siguro may nakita akong mga natutulog sa ikalawang parte ng konsiyerto).

Noong Disyembre 16, 2008 ay ang Christmas Party ng aming kolehiyo, EcomoDent, A Glamourous Year-Ender Party. Ang pagsasalo-salong ito ay naging posible dahil sa Batch 2012, at masasabi ko namang maayos ang kinalabasan nito. Masaya ang mga laro, nakakatuwa ang mga production numbers, at higit sa lahat, masarap ang pagkain! Nakakatuwa, may chocolate fountain pa!

Block 16 Girls :)

Noong araw ding iyon ay kaarawan nina Tina at Trisha. Binigyan namin sila ng isang sorpresa at nakakatuwa ang mga reaksiyon nila. Pagkatapos noon, nag-kape kami habang nag-uusap tungkol sa mga bagay-bagay. Nakakatuwa talaga ang araw na ito, sana maulit muli sa susunod!
Coffee Bean Family, The Cullens Style!

Oo nga pala, nanalo rin pala kami sa Facade Making Contest! Go, College of Dentistry!

College of Dentistry Facade!

Kinabukasan, Disyembre 17, 2008 ay ang Lantern Parade ng UP. Ang Lantern Parade ngayong taon ay idinaos sa UP Diliman, at lahat ng mga yunit ng UP ay kasali (UP Manila, UP Los Baños, UP Open University, UP Visayas, UP Mindanao at iba pa) dahil sa ika-isang daang anibersaryo na ng UP. Unang pagkakataon ko na mag-Lantern Parade sa UP Diliman at aaminin kong nakakapagod talaga, isipin mo ba naman na ikutin namin ang Academic Oval, na halos 2.5 kilometro ang sukat, habang nagsisigaw ng "DENT DENT DENT!"

Nabawi naman ang pagod ko kahit papano noong katapusan ng Lantern Parade. Nagkaroon ng isang magarbong fireworks display, at napakaganda talaga nito! Ang pakiramdam ko noon ay parang lumulutang ang puso ko, ang korny pakinggan/basahin ngunit iyan talaga ang naramdaman ko noon, pramis! Hahaha!


***
Mga larawan mula kina:
Daryl Altea
Raisa Benedicto
at sa akin
(EcomoDent Party + Tina & Trisha's Birthday Bash at Lantern Parade)

Thursday, December 11, 2008

03 Ang Telebisyon At Ang Henerasyon Ngayon

PRÉCIS
Talata 6-7

Ang advertising ay isang paraan nang pagkontrol sa lipunan sapagkat sinasabi nito sa mga manonood kung ano ang dapat kainin, suotiin, at bilhin. Ang mga advertisement na ito ay naniniguro na tayo ay sasaya sa kanilang mga produkto, at kaiinggitan ng ibang tao. Ang advertising ay naglalayon na isalin ang mga kagustuhan ng mga tao bilang mga produktong maaring bilhin. Ngunit ayon kay Potter, kahit gaano kalakas ang impluwensiya ng advertising sa tao, hindi nito kayang mapagbuti ang katangian ng isang tao at dahil dito, walang layuning panlipunan ang advertising sapagkat wala itong pananagutan na mapagbuti ang lipunan at sa kawalan ng pananagutan, wala itong balanse sa sarili nitong kapangyarihan sa lipunan.

***

"Ang henerasyon ngayon. Hindi makapaghintay. Instant na kaibigan. Instant na pag-ibig. Instant na kaligayahan. Wow!"

Sa henerasyon ngayon, halos lahat ng bagay ay instant na. Kung dati ay instant noodles lamang ang meron, ngayon, dahil na rin sa makabagong teknolohiya, nagkaroon tayo ng telebisyon kung saan tayo nakakapanood ng mga soap operas at cable shows, ng cellphone kung saan tayo ay nakakapagtext at nakakatawag sa ating mga magulang at mga kaibigan kung kailan natin gustuhin, at (marahil, ang pinakaimportante sa lahat) ng internet kung saan tayo nakakapagdownload ng mga bagong kanta at mga palabas, nakakapanood ng mga videos sa Youtube, at nakakahanap ng mga bagong kaibigan sa Friendster, Multiply at Facebook.

Lahat instant, ang galing!

Tuesday, November 25, 2008

02 Kwentong Ngipin

Mula pagkabata, tayong mga Pilipino ay napamahal na sa mga kwento, bata pa lamang tayo ay itinuturo at ikinukwento na sa atin ang iba't-ibang alamat, kwento at salawikain ng ating kultura, marahil ay ganito rin ang pinagdadaanan ng mga bata sa ibang panig ng mundo.

Isa sa mga paksa na karaniwang pinag-uusapan (ng mga nakatatanda) noong ating kabataan ay ang ating mga ngipin, na maagang namamaalam dahil sa katamaran nating magsipilyo at dahil sa ating walang katapusang pagkain ng matatamis. Lagi tayong pinagsasabihan ng ating mga magulang na alagaan ang ating mga ngipin, pero syempre, dahil tayo'y walang pakialam, hindi natin pinapansin ang mga utos nila hanggang sa isang araw ay umiiyak na tayo sa sakit dahil sa ating nabubulok na ngipin. Marahil, para sa marami, lalo na sa ating mga batang Pilipino, ang pagkabunot o pagkawala unti-unti ng ating mga ngipin ay walang saysay, pero para sa mga bata mula sa ibang bansa, ang pagkawala ng ngipin ay katumbas ng pera mula sa isang tooth fairy.

Ang konsepto ng tooth fairy ay marahil ang pinakakilalang kwento na may koneksyon sa ngipin. Nababanggit ang tooth fairy sa mga palabas sa telebisyon at mga libro kaya siguro'y halos lahat ay alam ito. Ayon kay Heather Adams, ang mga Amerikano ay naniniwala na ang tooth fairy ay nagmula sa isang kwentong Pranses. Sa kwentong ito ay mayroong isang daga na nagpalit nang anyo bilang isang fairy upang tulungan ang isang mabait na reyna na labanan at talunin ang isang sakim na hari. Ang fairy, na daga noon, ay nagtago sa ilalim nang unan ng hari at pinahirapan ito, na naging dahilan upang matanggal ang lahat ng ngipin ng nasabing hari.

Sa ngayon, maraming tao, lalo na ang mga kabataan, ang naniniwala sa tooth fairy. Isang bata ang maglalagay ng ngipin sa ilalim ng kanyang unan, at kinabukasan ay makakakita siya ng pera kapalit ng nawawalang ngipin. Pinaniniwalaan na kapag natutulog ang mga tao ay lumalabas ang tooth fairy, at papalitan ang ngipin ng pera at ilalagay niya ito sa ilalim ng unan ng bata. Dahil isa akong mausisang nilalang, sinubukan ko noong bata pa ako ang paniniwalang ito. Naglagay ako sa ilalim ng aking unan ng isang bagong bunot na ngipin at natulog. Kinabukasan, wala na ang ngipin sa kinalalagyan nito, natuwa ako nang saglit ngunit nalungkot din pagkatapos dahil wala man lang akong nakitang pera o baryang kapalit. Siguro sa ibang bansa lamang talaga nabubuhay ang tooth fairy.

Wednesday, November 19, 2008

01 Origin of Language

Marami akong nabasa na mga teorya at mga hypothesis tungkol sa Origin of Language. Sa aking pananaliksik, may dalawang hypothesis na pumukaw sa aking atensiyon, ang "Yo-He-Ho" Hypothesis at ang Parallel Evolution Hypothesis.

Ang "Yo-He-Ho" Hypothesis ay nagsasabi na ang wika ay nag-ugat mula sa mga gawaing pangmaramihan na nangangailangan ng pagtutulungan. Ginamit nila ang pagkanta o chanting upang maenganyo ang isa't-isa na tumulong sa ilang pagkakataon tulad ng paggalaw ng mga malalaking bato sa bukana ng kweba upang maproteksyunan sila sa panganib. Ipinagtibay sa hypothesis na ito ang kasabihan na "necessity is the mother of invention". Sa aking palagay, ito ay sa kadahilanan na kinailangan nila ng paraan upang magkaintindihan lalo na sa oras ng pagtatrabaho o di naman kaya'y sa oras ng pagsasaya. Siguro, mula sa mga simpleng "ugah-ugah" at mga galaw ng kamay, nagkaroon ang mga sinaunang tao ng sistema ng paggawa (halimbawa: mga pamantayan sa pananahi ng balat ng hayop upang maging damit ito) na hanggang ngayon ay ating ginagamit ngunit sa ibang pamamaraan tulad ng pag-uutos sa ating mga nakababatang kapatid at pagkikipagsigawan sa laro ng tug-of-war.

Ang Parallel Evolution Hypothesis naman ay nagsasabi na habang umiigi ang mga sinaunang tao sa magkakaibang panig ng mundo ay nagkaroon sila ng sari-sariling wika. Ang hypothesis na ito ay sinusuportahan ng Candelabra Theory na nagpapaliwanag ng iba't-ibang pinagmulan ng mga sinaunang tao. Kumpara sa ideya ng monogenesis na nagsasabi na nagkaroon lamang ng isang klase ng wika noong unang panahon, isang mother tongue, ang Parallel Evolution Hypothesis ay nagsasabi na nagkaroon ng maraming klase ng sinaunang wika, iba't ibang mother tongue. Pinili ko ang nahuling hypothesis sa kadahilanan na kung mayroon lamang isang mother tongue, paano ngayon nagkaroon ng iba't-ibang klase ng wika? Kahit sabihin natin na nagkaroon ng migration noong sinaunang panahon, paano nagkaroon ng iba't -ibang wika kung hindi naman maiimpluwensyahan ang nag-iisang mother tongue kung iisa nga lamang ang wikang ginagamit? Ngayon, kung mayroong iba't-ibang grupo ng tao na nabuhay sa magkakaibang panig ng mundo, siguradong mayroon silang sariling paraan ng pagkakaunawaan, may sarili silang wika. Kung nagkataon man na nakihalubilo ang dalawang magkaibang grupo sa isa't-isa, marahil ay gagawa sila ng paraan upang magkaintindihan dahil nga magkaiba ang wika nila, at dahil dito, uusbong ang isang bagong wika. Para sa akin, ang Parallel Evolution Hypothesis ay ang nakasagot sa aking mga tanong kung bakit may Ingles, Filipino, Nihonggo, Korean at iba pang wika.